Sa tuwing gumagayak ako patungo sa eskwela, paulit-ulit kong naririnig sa radio ang mga matatalas na katagang “I am willing to die for the Filipino people – Handa akong mamatay para sa mga Pilipino. Subalit araw-araw ko rin namang naririnig ang mga salitang “If you destroy our youth, I will kill you” – Kapag sinira mo ang buhay ng aming kabataan, papatayin kita. Pagpatay na lamang ba talaga ang solusyon para mailigtas at makausad ang ating bansa? Nakaluluwag sa loob ng iba para daw malipol ang masasama, lalo na ang mga nagtutulak ng droga. Subalit hindi ka ba nangangamba na baka isang araw, mapagbintangan ka o magkamali sila at tayo naman ang itumba. Isang bala ka lang. Ganito na ba talaga kamura sa ngayon ang bawat buhay sa ngalan ng panlipunang pagbabago. Sadya nga bang nataggap na natin ang ganitong kaisipan? Hindi ako naniniwalang ang pumatay, kahit para sa ano mang tila makatarungang kadahilanan ay makapagsasauli ng inutang na buhay o makakapagpabuo ng isang bukas na may tunay na kapayapaan. Ito ay magbubunga lamang ng walang katapusang singilan at sisihan.
Nakakaiyak. Kaya lang, hindi iyak sa ngayon ang makakatulong sa atin. Nalimutan na ba natin ang tunay na diwa ng EDSA? Kailangan nating magkaisa para sa ating bansa. Kailangan nating kumibo. Kailangan nating magsulat. Hindi totoong bastos ang mga Pilipino. Huwag natin kalian man tanggapin bilang kabataan na ganito tayo hinubog magsalita at mag-isip ng ating mga ninuno at magulang. Ipaglaban natin ang sa atin at igalang natin ang sa iba. Kailan ma’y huwag tayong pumayag na apihin o may maapi o may mang-api. Maging mapanuri, mapanagutan at mabuti tayong kabataan. Nakaririnig man tayo ng mga kasinungalingan kabi-kabila, hwag natin itong paniwalaan. Kahit kumakain pa tayo ng galing sa basurahan dahil sa kahirapan, hwag tayong panghinaan ng kalooban. Dagdagan pa natin ang mga buhay na bayani. Mas mahalin pa natin ang ating bansa. At wala ng iba kundi sa atin mismong kabataan sa ngayon maaring magmula at magtagumpay ang bagong bayaning Pilipino.
Recent Comments