Ang solusyon ay nasa ating sarili.

Noong  dati,  mga  bagay lamang  na  hindi   kailangan  ang  itinatapon natin. Ngayon,  pati  mga  tao,  kapag  hindi  na  natin  kailangan, halos  itapon  na  rin  natin.  Bakit  nga  ba  kadalasan, karamiha’y  mahihirap ang nagbubuwis ng buhay sa mga  kalamidad? Mga  kalamidad  na bunga  ng itinapon na napakaraming pinagsawaang bagay na  madalas hindi naman mahihirap ang nakinabang?   Konsumerismo, korapsyon, pangangamkam, wala  na  bang  ibang  kaunlaran  na  hindi  ang  mahihirap ang  laging  nagpapasan?

Sila  ang  laging  pinangangakuan ngunit  sila rin ang  unang kinalilimutan. Nakalimutan na  nga  ba talaga natin na  ang  buhay  nating lahat  at  ang  buhay  ng  mundo   ay  magkarugtong at iisa  lamang? Ang  mundo’y  matagal  nang  nagpupumiglas  at  naghumihiyaw,  hindi upang  tayo’y saktan lamang at pagbantaan,  kundi  upang  ipaalam  sa  atin na  tayo  mismo ang  malaking  panganib  sa  ating  sarili  at  sa  ating  mundong dapat  sana’y  ating  pinangalagaan;   ngayon  na natin dapat   hanguin  ang  ating  mga  paa mula  sa  bitag  ng  kamatayan  na  tayo  na  mismo ang may  kagagawan- mga  bitag  na  madalas  ay  mga  mahihirap  at  mga  kabataan  ang  unang  napapahamak  nang  walang  kalaban-laban.   Bakit  nga ba may  mga  musmos na  kailangang  mamatay  dahil  lamang  sa  kapirasong   pagpag   na  ipinakain ng  kanilang ama mula  sa  bundok  ng  basura ?  Sadya  nga  bang  kailangang  itapon   muna  ng    nakaririwasa  ang  mga  pagkaing  sobra  bago  makarating  sa  palad   ng  maraming  nagugutom  at  aba?

Hinahangaan  sa  ibat-ibang  bahagi ng  mundo  ang  kasipagan  at  katapatan  ng  mga  manggagawang  Pilipino,  karamiha’y  mga  magulang   na  kapos,  tinitiis  na  mahiwalay  sa  mga anak,  mapagaral  lamang sila.  Mga  anak  na nagtatampo at   madalas ay napaririwara, nakararanas  ng  depresyon  at  malabis  na  nangungulila.  Nakalulungkot  lang  na  marami  naman  sa  napapasukan  ng  kanilang napagtapos na  anak  ay  mga  higanteng  korporasyon  na  mahilig  sa  endo  rito at endo  roon. 

Pagkakahiwalay  ng  pamilya  ang  nagiging puhunan  ng  mahihirap  sa  pag-unlad  ng  ating  lipunan.   Kontraktwalisasyon lamang naman ang  bungang  inaani nila  para sa  kanilang mga  anak.

Paano   naman  kasi makikipagsabayan  ang  mga maralitang  kabataan  sa   mga  nagsipagtapos  sa  mga  sikat  at  mamahaling  paaralan?  Mga  nagsipagtapos  na  may  tining  ng  loob,  alam  ang  karapatan,  kayang  magsalita,  at  kung kailangan ay may abogadong  makakanlungan.

Masalimuot  at  nakalulula  ang  mga sakit  ng  ating  lipunan  na  dapat  nang solusyunan,   hindi  lamang  ng  ating  pamahalaan  kundi  ng  bawat  mamamayan  lalot  higit  tayong  mga  kabataan. 

Tayo  ang  may lakas,  tayo  ang  marami  at  tayo  ang  dapat  tumanaw  ng  utang  na  loob  para sa   mga luhat  pawis  ng  ating  mga  magulang at  mga bayani.

Ang  solusyon  ay  wala  sa  iba  at  wala  sa  labas.  Ang solusyon  ay  nasa  ating  sarili at  narito  sa  loob.  Ito  ay nagmumula  sa  kung  paano  tayo  nag-iisip, nagsasapuso  at  may  disiplinang nagsasagawa.   

Hindi  laging   ang  madali ang  dapat  nating pinipili.  Hindi laging  ang  mura  ang  dapat  tinatangkilik. Paano  na  lamang  natin mapauusbong  ang  makabubuti at  mapapayabong  ang  makatutulong  kung  ang  sarili  nating  kapakanan at kagustuhan  lamang ang lagi  nating  ipagpipilitan? Mahalin natin at ipagmakapuri  ang  kabayanihan ng ating mga  magulang.  Binayaran nila  ng  pawis,  lungkot  at  pagtitiis  ang  kanilang minimithing  magandang  bukas  para  sa  atin.  Hindi  ba’t  dapat  lamang  na  tayo naman   ang  maging  mapanagutan  para sa kanila  at  para sa  mundo?     

Tayo naman ang  tumugon  sa  panawagang  tayo  mismo  ang  magbago.     Kabataan, magbago na tayo. Magpakabayani na tayo.  Panindigan na natin ang  ating  sariling  pagbabago. Ito lamang ang solusyon–  ang  pagbabago ko,  ang pagbabago  mo,  kabataan, ito at wala ng iba ang  kabayanihang  makapagliligtas  dito sa  ‘ting mundo.